Liongo
Mito mula sa Kenya
Isinalin sa Ingles ni: Dr. Jan Knappert
Isinalin sa Filipino ni: Roderic P. Urgelles
1. Pagkilala Sa May Akda
Dahil sa katagalan ng mito, hindi na natin malaman kung sino sumulat ng nasabing akda. Si Roderic P. Urgelles ay isinalin ito sa wikang Filipino, upang maintindihan ito ng mga mambabasa at makakuha ng aral dito katulad ng "Huwag magtitiwala kaagad sa mga taong nakapaligid sayo." at “Maari kang saktan ng iba kahit kayo ay magka dugo."
2. Uri ng Panitikan
Ang Liongo ay isang uri ng mito na mula sa bansang Kenya. Ang mitolohiya ay pag aaral ng mga alamat at mito na naglalahad ng kasaysayan ng mga diyos at diyosa na sinasamba ng mga sinaunang tao. Ito ay nagpasalin-salin sa bibig ng mga tao kaya't walang kasiguraduhan kung ito ay may katotohanan.
3. Layunin ng Akda
Ang layunin ng akdang ito ay magbigay ng aliw sa mambabasa at magpaalala sa atin na maging maingat sa mga taong makakasalamuha natin. Ito ay napapanahon dahil hindi natin alam kung ang mga tao na ating nakakasalamuha ay mayroong maganda o masamang balak sa atin. Sinasabi rin dito na dapat hindi tayo agad magbigay ng buong tiwala sa mga tao kahit sila ay kadugo natin upang hindi tayo masaktan sa huli.
4. Paglapat ng Teoryang Pampanitikan
Mga Patunay:
- Teoryang Dekonstruksyon
Mga Patunay:
- “ Si Liongo ay nagkaroon ng anak na lalaki na kalaunan ay nagtaksil at pumatay sa kaniya”
- “ Nais ni Sultan Ahmad na mawala si Liongo, kaya ibinilanggo niya ito at ikinadena”
- “ Siya ay muling nabilanggo subalit muli rin naming nakatakas”
- Teoryang Eksistensiyalismo
Pinakita ito sa paraang napagdesisyunan ni Liongo na manirahan na lamang sa kagubatan matapos makalaya sa pagkakakulong mula kay Sultan Ahmad. Pinakita din ito sa paraang pagpatay ng anak ni Liongo sa kaniya at pagbilanggo at pagkadena ni Sultan Ahmad kay Liongo.
Mga Patunay
- “ Nais ni Sultan Ahmad na mawala si Liongo, kaya ibinilanggo niya ito at ikinadena”
- “ Si Liongo ay nagkaroon ng anak na lalaki na kalaunan ay nagtaksil at pumatay sa kaniya”
- “ Nagtungo si Liongo sa kagubatan at nanirahan doon kasama ang mga Watwa”
5. Tema o Paksa ng Akda
Ang tema o paksa ng nasabing akda ay halos magkaparehas sa iba pang akda. Patungkol ito sa isang lalaking nagngangalang Liongo na itinuturing na isang bayani dahil sa kaniyang angking lakas at laki. Gamit ang kaniyang mga abilidad, sinubukan niyang lagpasan ang mga pagsubok na ibinigay sa kaniya ng tadhana.
6. Mga Tauhan/Karakter sa Akda
- Liongo - isang mitolohikal na bayani ng Swahili at Pokonio sa silangan ng Kenya at siya ay ipinanganak sa isa sa pitong bayan ng Kenya. Si Liongo ay may natatanging lakas at kasintaas ng higante ngunit pag tinusok ng karayom ang kaniyang pusod ay ikamamatay nya ito.
- Sultan Ahmad - Siya ay pinsan ni Liongo ngunit nais nito na mawala si Liongo. Si Ahmad ang nagkulong at nagkadena kay Liongo.
- Mbwasho - Ang ina ni Liongo na nakakaalam ng natatanging kahinaan ng kaniyang anak.
- Watwa - Ang mga nakasama ni Liongo nung siya ay pansamantalang nanirahan sa kagubatan.
Ang mga karakter sa akda ay mga taong likha lamang ng lipunang ginagalawan sapagkat ito ay isang mito lamang. Ang mga nabanggit na katangian ng bida sa akda ay malabong maging totoo at walang sapat na ebidensyang sumusuporta dito, at ginawa din sila upang maipakita ang aral na “Huwag masyado magtiwala upang sa huli ay hindi tayo masaktan”
7. Tagpuan/ Panahon
- Kenya - Dito ipinanganak si Liongo
- Ozi at Ungwana sa Tana Delta & Shanga sa Fosa, isla ng Pate - ito ang mga lupain na nasasakupan ni Liongo bilang isang hari.
- Kagubatan - Dito ay pansamantalang nanirahan ang ating bida sa akda kasama ang mga Watwa.
Ang Kenya ay may mahalagang parte sa akda sapagkat dito ipinanganak ang bida na si Liongo, saksi ito sa paglaki ni Liongo at sa iba pang kaganapan nito sa buhay.
8. Nilalaman o Balangkas ng mga Pangyayari
- Simula - Si Liongo ay hari ng Ozi at Ugnwana sa Tana Delta at ng Shanga sa Fosa isla ng Pate
- Tunggalian - May bagong hinirang na hari at ito ay si Sultan Ahmad, kaniyang pinsan. Nais ni Sultan Ahmad na mawala si Liongo kaya't naisipan niyang ibilanggo ito at ikadena.
- Kasukdulan - Si Liongo ay ibinilanggo. Inawit ng mga tao sa labas ng bilangguan ang kaniyang mga kanta, dahil sa ingay ay kumalag ang mga tanikala niya. Kaya naman siya ay nakatakas at nanirahan sa kagubatan at nagsanay sa paghawak ng busog at pana.
- Kakalasan - Nang si Liongo ay nagtagumpay sa isang digmaan, ang hari ng natalong kupunan ay nagpasyang ipakasal ang kaniyang anak na babae kay Liongo upang mapabilang ang bayani sa kaniyang pamilya.
- Wakas - Si Liongo ay nagkaroon ng anak na lalaki na kalaunan ay nagtaksil at pumatay sa kaniya.
9. Mga Kaisipan o Ideyang Taglay ng Akda
Ang Kaisipan o Ideyang Taglay ng akdang nabasa ay nag bibigay ito ng aral katulad ng "Huwag mag titiwala basta - basta." & "Kahit ang taong malapit sayo ay maari kang pag taksilan." at ito ay nagbibigay ng ideya sa mga tao upang baguhin ang kanilang pananaw sa buhay.
10. Estilo ng Pagkakasulat ng Akda
Epektibo ang estilo ng pagkakasulat ng akda sapagkat gumamit ito ng mga salitang hindi masyado malalim. Kaya’t mas madaling naintindihan ang akdang binasa. Mahusay ang pagkakasulat nito sapagkat kahit ito ay matagal na at nagpasalin – salin na sa mga bibig ng tao ay napreserba pa rin nito ang aral na dapat iparating sa madla.
11. Buod
Si Liongo ay ipinanganak sa isa sa pitong bayan sa Kenya. Siya ang itinalaga na hari ng Ozi at Ungwana sa Tana Delta at ng Shanga sa Fosa, isla ng Pate ngunit ang panibagong hari ng buong Pate ay hindi na siya, datapwat ang kaniyang pinsan na si Sultan Ahmad. Nais ni Sultan Ahmad na mawala si Liongo kaya’t ibinilanggo niya ito at ikinadena. Habang nakakulong ay kumanta ng mahaba at papuring kanta, na gawa ni Liongo, ang mga tao sa labas ng bilangguan na nakaresulta ng malakas na ingay na kumalag sa tanikala ni Liongo nang hindi naririnig ng mga gwardya. Nagtungo si Liongo sa kagubatan upang doon manirahan kasama ang mga Watwa. Nakipagdigma si Liongo laban sa mga Galla at natalo ang mga ito laban kay Liongo, kaya nagpasya ang hari na ipakasal kay Liongo ang kaniyang anak na babae upang mapabilang ang bayani sa kaniyang pamilya. Si Liongo ay nagkaroon ng anak na lalaki na kalaunan ay nagtaksil at pinatay siya.
No comments:
Post a Comment